Resources / Word for the Soul

Ang Katotohanan Patungkol sa Impierno

By Bishop Osinando Quillao

Sa pangkalahatan, ang tao, relihiyoso man o hindi, ay nababahagi sa dalawa tungkol sa impierno: ang mga naniniwala at ang mga hindi naniniwala. Alin ang tama? Ano ang totoo? May impierno o wala?  Ito ang ating tatalakayin.

MGA DAHILAN NG IBA KUNG BAKIT WALANG IMPIERNO

Bukod sa mga di-relihiyoso ay may mga relihiyoso din na di-naniniwala sa impierno.  Wari’y nakapagtataka sapagkat sila rin ay  nagbabasa at gumagamit ng Biblia sa kanilang pangangaral  at ang itinuturo ay walang impierno, tinatawag nila ang kanilang sarili na mga “Saksi ni Jehovah.” Narito ang kanilang mga dahilan (isinalin sa Filipino), (1) ito ay ganap na wala sa kasulatan, (2) di-makatuwiran, (3) laban sa pag-ibig ng Dios at  (4) laban sa katarungan (The Four Major Cults, p.322).

Ang kanilang pahayag na ito ay malaking daya at paglaban sa katotohanan.  Una, sinasabi ng kanilang aklat na ang impierno ay ganap daw na wala sa Banal na Kasulatan.Kung magkagayon nangangahulugan na ni isang talata ay walang itinuturong impierno sa Banal na Kasulatan.  Samantalang sa Lumang Tipan ay may humigit kumulang sa  31 talata at sa Bagong Tipan naman ay humigit kumulang sa 23 talata ang bumabanggit patungkol sa impierno (The New Strong’s Exhaustive Concordance of Bible). Ang impierno ay galing sa salitang Latin na “infernus” (Merriam-Webster Dictionary) at sa Ingles ay “hell”.  May apat na salita sa wikang Hebreo at wikang Griyego ang ginamit sa Biblia sa salitang impierno.  Sa Hebreo ay “SHEOL” na ang kahulugan ay depth, abyss. . . (Hebrew and Greek Dictionary, p.1778). Bagamat ang Lumang Tipan ay hindi lubos  na nagtuon ng pansin sa paroroonan ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan; ganito ang pahayag sa Bible Dictionary, “The Hebrew scriptures do not focus too much emphasis on the condition or destiny of the souls of men until the resurrection.  The development of that theme is left for the New Testament and the resurrection of Jesus Christ , the Son of God.”  (Hebrew and Greek Study Bible, p.1779).  Gayon pa man ay walang sinasabi  ang Hebrew Scriptures na walang kaluluwa ang tao at katawan na lamang para siya ay humantong na lamang sa libingan at wala nang impierno gaya ng paniniwala ng mga “Saksi ni Jehovah”.  Narito ang mga halimbawa na kahit sa Lumang Tipan ay itinuturo na may kaluluwa na humihiwalay sa katawan kapag  namamatay.

“And it came to pass as her soul was in departing, (for she died) that she called his name Ben-oni; but his father called him Benjamin.” – Genesis 35:18

“At siya’y umunat sa bata na makaitlo, at dumaing sa Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.  At dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya, at siya’y muling nabuhay.”  – 1 Hari 17-21-22

Namamatay ang tao kapag umalis ang kaluluwa at nabubuhay naman kapag bumalik ang kaluluwa.  Gayon pa man ito’y higit na binigyan linaw ni Cristo na may kaluluwa at may impierno,

“At huwag kayong mangatakot sa nagsisipatay  ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.” – Mateo 10:28

Maliwanag sa talata na napapatay ang katawan na hindi kasama ang kaluluwa.  Nagpapatunay lamang na kung bukod ang kaluluwa sa katawan at ang inilalagay sa libingan ay ang patay na katawan ay may dako  ang kaluluwa na iba sa libingan ng pisikal na katawan.  Kung gayon talagang may impierno para sa kaluluwa ng makasalanan at may libingan sa lupa para sa pisikal na katawan.

Bukod sa salitang Hebreong “sheol” ay may 3 salitang Griyego ang ginamit sa salitang impierno:

“Hades” – place of the departed souls (Hebrew and Greek Study Bible, Greek Dictionary of the New Testament, p.8)

“Tartaroo” – the place where certain angels (sinned) are confined reserved unto judgment (Hebrew and Greek Study Bible, p.1880)

“Geena or Gehena”  – place (or state) of everlasting punishment (Hebrew and Greek Study Bible, Greek Dictionary of the New Testament, p.20)

Maliwanag na sa mga salitang Griyego na pinaggamitan ng salitang “hell” o impierno ay maling ipakahulugan na ito’y libingan ng patay na katawan sapagkat ang mga katagang ginamit sa salitang Griyego ay dako ng mga espiritu at di mga katawang pisikal.  Samantalang wala pang pagkabuhay na maguli ang kaluluwa ng mga makasalanan ay nasa “Hades” ng pagdurusa.  Ang mga anghel na nagkasala laban sa Dios na sumama sa diablo ay nakakulong sa hukay ng kadiliman na sa salitang Griyego ay “tartaroo” (2 Pedro 2:4).  Sa “final judgement” ang diablo at ang mga anghel ng diablo at ang mga makasalanang tao pagkatapos ng pagkabuhay na maguli ng mga makasalanan ay ibubulid sa impierno (Geena) na siyang dagat-dagatang apoy (Apocalipsis 20:10-15).  Maliwanag sa mga talatang ito na ang impierno ay di siyang libingang ukol sa katawang lupa, sapagkat ang impierno ay ukol sa mga makasalanang espiritu, samantalang ang libingan ay ukol sa katawang lupa. Sapagkat ito’y itinuturo mula sa Lumang Tipan, ni Cristo at ng mga Apostol. Kung gayon nagkakamali ang mga “Saksi ni Jehovah” sa kanilang pahayag na ang impierno  ay wala sa Banal na Kasulatan.  Ang katotohanan “scriptural” ang turo ng impierno.

Ikalawang dahilan nila ay hindi daw makatuwiran. Ang impierno ay makatuwiran sapagkat dinadala dito upang parusahan ang lahat ng mga makasalanan at di yaong di-nagkasala (Mateo 25:41).  Ang wala sa katuwiran ay kung ang nagkasala ay hindi parusahan at ang parusahan ay ang walang kasalanan.  At lalabas na ang Dios ay di-makatuwiran.  Ngunit ang katotohanan ay tunay at matuwid ang Kanyang paghatol (Isaias 1:18, Exodus 32:33, Apocalipsis 19:2).

Ang ikatlo nilang dahilan ay laban daw sa pag-ibig ng Dios (1 Juan 4:8).  Ibinigay nga ng Dios ang Kanyang bugtong na Anak na si Cristo upang huwag mapahamak ang tao (Juan 3:16). Kung ang isang makasalanan ay sumampalataya sa Panginoon Jesucristo, magsisi at magpabautismo, siya’y maliligtas (Roma 10:9, Marcos 16:15-16, Gawa 2:38). Ngunit di-dapat abusuhin ang pag-ibig ng Dios sa katuwirang walang impierno at di nagpaparusa ang Dios. Ganito ang pahayag ng kasulatan,

“O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi. Datapuwa’t ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot  sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios.” – Roma 2:4-5

Gayon din ang Dios ay maghihiganti sa mga hindi nagsikilala at tumalima sa evangelio, tatanggap sila ng walang hanggang kaparusahan sa harapan ng Panginoon (2 Tesalonica 1:7-10). Ang sasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan ngunit ang hindi ay poot ng Dios ang sasakanya (Juan 3:36).  Kaya nga pag-ibig dahil may kapahamakan ng impierno kaya ibinigay si Cristo.  Saan pa mahahayag  ang pag-ibig ng Dios kung walang kapahamakan na dapat maligtas ang tao?  Sa katotohanan hindi sila naniniwala sa pag-ibig ng Dios dahil walang impierno na doon iniligtas ng Dios  ang mga nagsisi at sumampalataya. Maliwanag na nahayag ang pag-ibig ng Dios sa Kanyang pagliligtas.

Ang ika-apat ay laban daw sa katarungan. Dahil sa katuwiran nilang ito lumalabas na ang Dios na gumawa ng dakong kaparusahan ay di-matuwid at makatarungan. Mali sila. Narito ang pahayag,

“Sapagkat tunay at matuwid ang kanyang paghatol; sapagkat hinatulan niya ang bantog na patutot, na siyang nagpasama sa lupa ng kanyang pakikiapid  at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa pamamagitan ng kaniyang kamay.” – Apocalipsis 19:2

Nagpaparusa Siya sa mga masama (Awit 11:4-7) ang tawag dito ay “retributive justice.” Sa sulat ni Apostol Pedro ay kanyang binanggit ang  mga anghel na nagkasala na inihulog sa hukay ng kalaliman upang ilaan sa paghuhukom, ang mga masasamang tao sa panahon ni Noe na hindi sumampalataya sa kanyang pangangaral.  Mga pinarusahan ng pagkalipol ang bayan ng Sodoma at Gomora dahil sa pamumuhay nilang masama (2 Pedro 2:7). Ang Dios ang nagliligtas ng mga banal at matuwid at nagpaparusa sa di-matuwid sa paghuhukom (2 Pedro 2:9). Ang mga anghel na di nagkasala ay hindi pinarusahan. Si Noe at ang kanyang sambahayan ay iniligtas sa gunaw (2 Pedro 2:5).  Ang matuwid na si Lot ay iniligtas sa paghuhukom sa Sodoma at Gomora (2 Pedro 2:7). Kung gayon ang Dios din pala ay naggagawad ng biyaya sa mga matuwid, ang tawag dito ay “remunerative justice”.  Nagpapatawad ng mga kasalanan sa nagsisisi (Isaias 55:7-8,1Juan 1:9). Inaalaala ang gawa ng pag-ibig ng mga banal upang gantimpalaan (Hebreo 6:10).

Ang kanilang mga pinanghahawakang dahilan kung bakit walang impierno ay maliwanag na laban sa katuwiran at katarungan, pag-ibig ng Dios at salungat sa turo ng Banal na Kasulatan.  Napatunayan natin na talagang may impierno ayon sa Biblia.

Ano talaga ang dahilan kung bakit inalis ni Charles T. Russel ang impierno? “A child’s fear of hell was significant factor that eventually led to the organization now known as the Jehovah’s Witnesses.” (Witnessing to the Cults, p. 9).  Takot pala ang dahilan kung bakit inalis ang impierno. Hanggang namatay siya ay hindi siya nagsisi, “Russel died on board a train in November 1916, a silent and unrepentant man.” (Witnessing to the Cults, p.10). Sa halip na magsisi inalis na lang niya ang impierno.  Kaya ba niya yaon?  Dios ang naghanda ng impierno (Mateo 25:41).

DAHILAN KUNG BAKIT MAY IMPIERNO  AT ANG KALAGAYAN DITO

Ang impierno ay hindi ginawa para sa tao.  Ito’y ginawa para kay Satanas at sa kanyang mga anghel (Mateo 25:41). Bukod kay Satanas at sa kanyang mga anghel ay sinu-sino pa ang ibubulid sa impierno? Narito ang sabi sa Apocalipsis 21:8,

“Ngunit sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklam-suklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga  manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat  na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”

Sino ang mga duwag? Mga taong nakakilala ng katotohanan at dati nang mga alagad ngunit hindi nagpatuloy sa pananampalataya, dahil natakot sa mga kahirapan at pag-uusig ay bumalik sila sa pag-ibig sa sanlibutan (2 Pedro 2:21-23, Marcos 8:36, Hebreo 10:38-39) sa karuwagan ay nawalan ng bunga o mga gawa sa Dios (Hebreo 6:4-6, Juan 15:2). Sino pa ang mga duwag? Ang mga nagkaila  at nagmakahiya na ipatotoo ang Panginoong Jesus (Mateo 10:32-33). Sino pa ang  ibubulid sa impierno? Ang lahat ng di mananampalataya, ito ang mga taong hindi nagsikilala at hindi tumalima sa evangelio na ipinangangaral ng mga sugo ng Dios (2 Tesalonica 1:8-9). Hindi sila naniniwala sa patotoo ng sugo ng Dios (2 Tesalonica 1:10). Kasama pang ibubulid sa impierno ay ang mga kasuklam-suklam, mamamatay-tao, mapakiapid, manggagaway, mapagsamba sa diosdiosan  at mga sinungaling. Ang mga bulaang mangangaral o mga bulaang propeta ay ibubulid din sa impierno (Apocalipsis 20:10).

“Pabayaan ninyo sila: sila’y mga bulag na tagaakay.  At kung ang bulag  ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.” – Mateo 15:14

Sa impierno ay ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin (Mateo 13:42-50, 24:51). Paghihirap sa alab ng apoy (Lucas 16:24) gaya ng asin manunuot ang alab mula sa labas hanggang  sa loob ng katawan at kaluluwa (Marcos 9:49).  Alalahanin natin na ang impierno  ay para kay Satanas at sa kanyang mga anghel na espiritu na di kayang tablan ng mga mapamuksang bagay  sa lupa (Mateo 25:41).  May uod at apoy na di namamatay (Marcos 9:48). Bukod sa pagngangalit ng ngipin ito’y dako ng kadiliman (Mateo 8:12; 22:13; 25:30).  Ang pahirap ay araw at gabi at  magpakailan-kailan man.  Ang pahirap sa impierno  ay walang katapusan.  Maliwanag na ang kaparusahan sa impierno ang bayad ng lahat ng kasalanan na siyang tinatawag na ikalawang kamatayan ang dagat-dagatang apoy (Roma 6:23, Apocalipsis 20:15-45).

Ngunit kung ating itatanong nais ba ng Dios na ang tao mapahamak sa kaparusahan ng impierno?

“ Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas at mangakaalam ng katotohanan.” – 1 Timoteo 2:4

Maliwanag sa pahayag ng kasulatan na hindi nais ng Dios na ang sinoman ay mapahamak. Ginawa na ng Dios ang Kanyang bahagi (Juan 3:16). Ginawa din ni Cristo ang bugtong na anak ng Dios ang Kanyang bahagi,

“Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan.” – 1 Timoteo 2:6

Dugo ni Cristo ang nabuhos upang ang tao ay matubos (Mateo 26:28, 1 Pedro 1:18).

Ano naman ang bahagi natin bilang mga makasalanan sa ating sariling katubusan?

“Datapuwat ano ang sinasabi nito?  Ang salita ay malapit  sa iyo, sa iyong bibig at sa iyong puso: sa makatuwid  baga’y ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.  Sapagkat kung ipahahayag ng iyong bibig si Jesus na Panginoon at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli sa mga patay ay maliligtas ka.” – Roma 10:8-9

“At sinabi niya sa kanila, magsiyaon kayo sa buong sanlibutan at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.  Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t  ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” – Marcos 16:15-16

Kung ating gawin ang sinasabing ito ng Banal na Kasulatan ay ating matatanggap ang layunin ng ating pananampalataya ang kaligtasan ng ating kaluluwa (1 Pedro 1:9). Sa atin namang tumanggap na ng kaligtasan ating ingatan ang mga salita ng Dios na sa atin ay ipinangaral ng mga sugo ng Dios sapagkat wala tayong mapapakinabang na ating makamtan ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang ating kaluluwa sa impiernong walang hanggan (Marcos 8:36).  Maraming salamat sa Dios sa Kanyang napakadakilang pag-ibig na di masayod.

No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *