Resources / Word of Life

Tunay na Pasko, Tunay na Kapayapaan

“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan. At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot. At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan. Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon. At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban. At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi, Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya. – Lucas 2:8-14

Ang isang pangunahing mensahe ng Pasko ay ang kapayapaang darating sa bawat taong sasampalataya sa mga salita ng Dios. Kung wala sa isang tao ang kapayapaang ito, walang kabuluhan ang Pasko sa kaniyang buhay. Ang kailangan niya ay ang kapayapaang galing kay Cristo;

“Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” – Juan 16:33

Sa sanglibutan ay mayroon tayong kapighatian; anoman ang kalagayan natin dito sa lupa. May mga taong mayayaman at marurunong na wari ba’y nasa kanila ang lahat, ngunit hanggang ngayon ay walang kapayapaan sa kanilang buhay. Masusumpungan niya lamang ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng ating Panginoon Jesucristo;

“Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo: – Roma 5:1

Kapag nasumpungan na ng isang tao ang kapayapaang ito, tungkulin niyang ibahagi naman ito sa ibang tao.

Kapag natamo ng isang tao ang pag-aaring ganap ng Dios, matatanggap niya ang kapayapaang ito. Ang inaring ganap ay inaring walang kasalanan dahil siya ay pinatawad ng Dios. Kapag nanatili tayo sa ating mga kasalanan, nagiging kaaway tayo ng Dios ngunit para doon sa mga pinatawad, sila ay nakipagkasundo sa Dios.

“Sapagka’t kung, noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay. – Roma 5:10

Sa sanglibutang ito, kapag may makaaway tayo, hindi tayo napapayapa. Mas lalo pa kung maging kaaway tayo ng Dios. Magiging mapagpaimbabaw tayo kung ipagdiriwang natin ang kapaskuhan kung hanggang ngayon ay kaaway pa rin tayo ng Dios. Kung hindi nasumpungan ng tao ang kaligtasan at kapatawaran ng kaniyang kasalanan ay walang Pasko sa kaniya. Ngunit kung sasampalatayanan ng isang tao na sa pamamagitan ni Jesucristo ay mayroon siyang pakikipagkasundo sa Dios ay matatanggap niya ang kapatawaran ng kaniyang mga kasalanan. At kapag matanggap na natin ang Panginoon Jesucristo, nagkakaroon tayo ng pagpasok sa biyaya kung saan ay nagsisilagi tayo (Roma 5:2). Ang biyayang ito ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa.

“Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas, sa pamamagitan ng pananampalataya; ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;” – Efeso 2:8

Ang tunay na Pasko ay maipagdiriwang mo ng may buong kagalakan kapag natanggap mo na ang biyayang ito. Kahit wala ka pang matanggap na material na regalo, mayroon pa ring kagalakan sa iyong puso dahil may kapayapaan ka sa iyong buhay.

Mga taong kinalulugdan ng Dios

Ang sabi sa Lucas 2:14, ang kapayapaang galing sa Dios ay binibigay Niya sa mga taong kinalulugdan Niya. Bilang tao, wala tayong maipagmamalaki sa Dios dahil lahat naman ng bagay ay galing din sa Kaniya. Isa lamang ang makapagbibigay lugod sa Dios.

At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios; at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.” – Hebreo 11:6

Samakatuwid, ang pananampalataya ay isang napakadakilang biyaya na higit pa sag into o pilak at nararapat lamang na makapagpatuloy tayo sa biyayang ito. Ang pananampalatayang ito ay bigay ng Dios sa atin at dapat ay maipaglaban nating masikap.

“Mga minamahal, samantalang ako’y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailanman sa mga banal. – Judas 1:3

Ang pananampalatayang ito ay dinadala sa atin ng Dios sa pamamagitan ng pangangaral ng mga sugo ng Dios. Habang tayo’y nagpapatuloy sa mga turo’t aral ng mga sugo ng Dios, sumasagana ang pananampalataya sa atin at mas lalo tayong nagiging kalugodlugod sa Dios. Sa ganitong kalagayan, maaari nating sabihin na araw-araw ay pasko sa buhay natin.

 

By Bishop Resting Zonio

No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *