Resources / Word of Life

Ang Katotohanan Tungkol sa Kamatayan

Ang kamatayan ay mahirap pag-usapan, lalo’t may mga taong nararatay sa karamdaman at may kaugnayan sa ating buhay o kaya’y kaibigan o kahit hindi man; ngunit nakikita natin na parang sila ay malapit sa ganoong kapanganiban. Gaya sa mga sundalo, o mga ibang alagad ng batas na isinusugo sa mga mapanganib na dako at hindi maiwasan bilang pagtupad ng tungkulin, o sa pagliligtas ng buhay ng iba ay buhay din nila. Ang nakataya, gayon pa man, ganito ang kalagayan o hindi, nananatili ang katotohanan na ang kamatayan ay dumarating sa oras na walang nakakaalam. Ano ang sinasabi ng Banal na Kasulatan patungkol dito? Ayon sa Panginoon sa Lucas 12:19-20, ay Kaniyang sinawata ang taong maraming plano sa buhay lalo na sa kalayawan. Ayon sa Panginoon sa Lucas 12:20,

“Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?”

Ang tinutukoy dito ay patungkol sa kaniyang kamatayan, maaaring ganoon din tayo, maraming pinagkakaabalahan sa buhay na ito, lalo sa hinaharap, ngunit bigla tayong nahadlangan ng kamatayan, at hindi tayo makapahindi, o kahit makapagsabi man lang ng teka muna sapagkat ang kamatayan ayon sa 1 Corinto 15:26,

“Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.”

Ang kamatayan pala ay isang kaaway na laging nakaamba sa tao, at sabi sa Biblia ang kamatayan ang siyang kabayaran ng kasalanan. Ayon sa Roma 6:23,

“Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.”

At ang malaking suliranin, ang lahat ay napasailalim ng kasalanan gaya ng sabi sa Roma 3:23,

“Sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”

Samakatuwid, lahat ay kaaway ng kamatayan at handang maningil sa sinoman sa anumang oras, kaya sabi sa Hebreo 9:27,

“At kung paanong itinakda sa tao ang mamatay ng minsan at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.”

At ano pa ang patotoo ni Haring David? Sabi sa Awit 23:4,

“Oo bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka’t ikaw ay sumasa akin; ang iyong pamalo at ang iyong  tungkod, ay nagsisialiw sa akin.”

Kung ganoon, isinasalarawan ng Banal na Kasulatan, na ang kamatayan ay isang lilim na laging nakaamba sa bawat tao. Pero bakit may kamatayan? Ito ba bilang kaaway ay maaaring magtagumpay nang lubusan sa tao? May isinasaad sa Banal na Kasulatan, ayon sa Lumang Tipan, may mga taong hindi dumanas ng kamatayan, ang halimbawa nito ay si Propeta Enoch. Sabi sa Hebreo 11:5,

“Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka’t siya’y inilipat ng Dios: sapagka’t bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya’y naging kalugodlugod sa Dios.”

Si Propeta Elias din ay isa pang halimbawa.

Samakatuwid, hindi pinagtagumpayan ng kamatayan. Maaaring maitanong natin, paano yaong mga banal na nangamatay? Ang halimbawa nito ay si Cristo sa Roma 6:9, na nalalaman natin na si Cristo, na nabuhay na mag-uli sa mga patay ay hindi na namatay. Ang kamatayan ay hindi naghahari sa Kanya. Ito ang sinasabi sa 1 Corinto 15:54,

“Datapuwa’t pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay nangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.”

Samakatuwid, ang mga nangamatay ay nangabuhay na maguli gaya ni Cristo at kasama ni Cristo, nagtagumpay pa rin sa kapangyarihan ng kamatayan, at ang kanilang pagkabuhay na mag-uli ay lubusang nagtaboy sa kamatayan magpakilanman. Gaya ng sabi sa Apocalipsis 21:4,

“At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.”

Kaya sabi, nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. Ngunit may mga tao bang pagtatagumpayan ng lubos nitong kamatayan? Alamin din natin  na ang kamatayang sinasabi ng Biblia ay hindi pisikal lamang ang tinutukoy; kaya hindi nangangahulugan na sapagkat nagtamo na ng pagkabuhay na mag-uli ay nagtagumpay na sa kamatayan. Ganito ang sinasabi sa Mateo 10:28,

“At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa, kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makakapuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.”

Maliwanag na sinasabi dito na may isang kamatayang tinutukoy na dapat maiwasan ng tao na kung tawagin sa Apocalipsis 20:14-15, ito ang ikalawang kamatayan; at ang bawat isa na hindi masumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay tiyak na dito hahantong; lubos na sila’y pagtagumpayan ng kamatayan. Anong kalungkutan na humantong sa ganitong kapahamakan; gaya ng sabi sa Mateo 25:41, sila’y mga sinumpa at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa Diablo at sa kanyang mga anghel. Ano ang mayroon doon? Sabi sa Mateo 13:42,

“At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”

Ngunit paano tayo makakatiyak ng tagumpay sa kamatayang ito? Ayon sa  Roma 6:8-9, datapuwa’t kung tayo’y nangamatay na kalakip ni Cristo ay naniniwala tayo na mangabubuhay naman tayo kalakip niya; at gaya rin ni Cristo, na tayo’y hindi na mapaghaharian pa ng kamatayan. Ano ang tinutukoy nitong namatay kalakip ni Cristo? Sabi sa Roma 6:3-4, ang tinutukoy ay ang bautismo. Matapos tayong mapangaralan ng evangelio at sumampalataya, ay dapat tayong mabautismuhan; ang tunay na evangelio na siyang Salita ni Cristo. Sabi sa Juan 5:24, tayo’y nakalipat na galing sa kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan. Kaya sabi sa Lucas 11:49, sinasabi ng karunungan ng Dios, Siya’y magsusugo ng mga Apostol at Propeta sapagkat sa kanila ipinagkatiwala at ipagkakatiwala ang mga aral at mga mahahayag pang katuruan na siyang lulupig sa kapangyarihan ng kamatayan (Efeso 2:3-5).

By Bishop Resting Zonio

No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *