Resources / Salita ng Biyaya

Tao ng Panalangin

Ang kadakilaan ay nagpapasimula sa pagiging mapanalanginin. Ito’y isang katangian na ninanasa ng lahat ng mananampalataya. Sapagkat ang panalangin ay ina ng lahat ng mabuting bagay. Sa panalangin ang kamay ng Dios ay napapakilos ng mapanalanginin. Subalit sa kabila ng ganoong pagnanasa ay iilan lamang ang nakakaabot ng ganoong kalagayan. Sapagkat ang gagawa ay dapat magkaroon ng mga sumusunod na katangian:

MAY KAPAKUMBABAAN

Ang mapagpakumbaba ay kumikilala ng kanyang kawalan, at may kahandaan na dumamay doon sa pangangailangan ng nasa kaabahan kagaya ni Cristo, na gaya ng ipinayo ni Apostol Pablo (Filipos 2:4-8). Ang ganoong pag-uugali ay nagdadala upang lubusin ang pananampalataya sa Dios na makapangyarihan sa lahat na makapangyayari sa lahat ng gusto niya maging sa sarili o para sa kapwa. Ang taong mapagpakumbaba ay madaling mapalago ng kanyang paniniwala na sinusuhayan ng salita ng Dios. Ang pagkakilala sa kanyang kawalan ng magagawa ay nagdadala sa kapangyarihan at tunay na ang Dios ang makapangyarihan sa lahat.

MAY KARUNUNGAN

Ang malawak at matalas na espiritwal na paningin ang siyang idinadalangin ni Apostol Pablo sa mga kapatid (Efeso 1:18). Ito ay nagbibigay sa kanya ng kamalayan sa pangunahing kailangan at ng malaking pangangailangan upang magkaroon ng kaganapan sa lahat ng bagay. Sa pagkilala sa mahinang sarili ang karunungan ay nagtuturo nang nararapat na idulog sa Dios sa pamamagitan ng isang masidhi at taimtim na panalangin.

MAY PAGMAMALASAKIT

Ang tapat namang pagmamalasakit ay isang katangian na nagdadala upang maging mapanalanginin. Ang pagwawalang-bahala ng isa sa kabila ng pagkakita o pagkakadama ng malaking pangangailangan ay isang hadlang at hindi dapat ugaliin ng mapanalanginin. Ang pagkabahala natin ay ang mga  bagay na ukol sa sarili. Pero hindi tayo nababahala sa mga bagay na ukol sa Dios. Subalit ang panalangin na itinutulak ng mga makasariling simulain ay hindi masyadong umaani ng tugon o wala kailanman. Ang ganitong uri ang siyang nagdadala ng katamaran sa atin upang huwag manalangin.

MAY PANANAMPALATAYA

Ang may pananampalataya ang tanging kalugod-lugod sa Dios (Hebreo 11:6). Ang kawalan ng pananampalataya ang siyang gabundok na balakid para ang tugon ng Dios ay hindi natin makamtan. Sa kawalan ng espiritwal na pag-uusisa ng sinoman sa kanyang sarili ay naghahandog ng panalangin dahil sa pangangailangan at hindi sa pananampalataya. Dahil sa mga kadahilanang ito nawawala ang masidhing panalangin. Ang sumasampalataya ay dapat ay sumagana sa mabuting gawa hindi lamang sa kaalaman. Sapagkat kahit ang tao ay hikayat sa katotohanan na alam niya at hindi maisasakatuparan, ay taong unang walang pananampalataya, sapagkat ang pananampalataya ay pagsasakatuparan ng katotohanang alam niya.

By Bishop Domingo Ferriol

No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *